12 Years of Christmas
Mahal kong Bestfriend,
Sa totoo lang, alam ko namang hindi mo nalilimutan ang kahalagahan ng araw na ito. Sadyang naaalala mo lang bumati matapos kitang batiin. Ganoon naman ata talaga ang takbo ng iyong pag-iisip - naaalala mo kapag paparating na, pero kapag nariyan na, tila abala ka na sa kung anumang bagay at hindi mo na makuhang mambati. 11 years ka nga namang ganyan, maiba pa kaya ngayong taon?
Ayaw kong pumusta dahil hindi pa ata ako nananalo sa iyo sa lahat ng mga pinagpustahan natin. At ang pinakasikat na pustahan natin? Ang pustahang naganap sa isipan mo...
Unang araw ng ikaapat na taon sa Mataas na Paaralang Pang-agham ng Maynila, maligalig na pumasok ang bida-bidahang si Bibi sa kanyang unang klase. At nang silipin ang silid, sinipat ang bawat isa sa mga lalaking kaklase habang iniisip "sino kaya sa mga ito ang magkakagusto sa akin?" Tumutok kay Baba at ibinulong sa sariling, "pusta ko ito."
Ano naman ang laban ko sa pustang 'yan? Hindi ko alam kung may lahi kang manghuhula o sadyang pinagbutihan mo ang pag-career sa akin ngunit ang tanging katiyakan ay - ni wala man lang akong nagawa. Natalo sa pusta nang wala man lang kalaban-laban. Di ko alam kung anong nangyari, damdamin ko sayo'y di na nga kailangan sabihin. Kumbaga, sa kwento ng ibang lahi, ipinagkasundo mo na ako sa iyo. Tapos agad ang kwento.
Hindi naman sa nagrereklamo ako - nagpapaliwanag lang. Sa katunayan nga, lubos akong nagpapasalamat dahil iniligtas mo ako. Iniligtas mo ako noon, at paulit-ulit mo pa rin nga akong inililigtas hanggang ngayon. Kung hindi mo nga naman ako ginayuma nang bonggang bongga, malay ba natin kung saan ako pupulutin ngayon. Basta ang alam ko, nagpapasalamat ako na ako ay masaya. Sinabi ko na nga dati, hindi ko alam kung anong ginawa ko para biyayaan ako ni Lord ng isang Bibi, pero di ko na rin pagdududahan si Lord, baka bawiin ka pa.
At sana nga, kahit papaano'y masaya ka rin. Ang hirap kasi sa pagkakaibigan natin, masyado akong patawa - hindi ko na tuloy alam kung kailan ka nga ba tunay na masaya o natatawa na lang. Alam mo yun, sa sobrang patawa ako, pati sa tuwing napapaso ako o nadudulas ako o nasusugatan ako eh natatawa ka pa rin. Kita mo na, sadista ka eh... At ako naman si isa't kalahating masokista. Kahit masaktan ako, basta masaya ang Bibi ko, sige lang! Mahal na mahal kita... At ang sakit-sakit na... Huhuhu...
Tandaan mo, malaki lang ang katawan nila, pero di nila ako kayang patumbahin! Hmmp!
Nagsimula sa kathang isip na pustahan... Ikaw na ang lakas tama! 12 years... Ang simple lang ng hiningi kong Christmas wish noon... Ang tagal na pala 'no? Pero kahit bali-baligtarin man ang mundo, hindi pa rin tayo tapos. Marami na nga tayong napagdaanan, ngunit mas marami pa rin tayong haharapin. At ang pinakamasarap na pakiramdam sa tuwing iisipin ko ang lahat ng ito? Sa lungkot at ligaya, hirap at ginhawa, si Bibi ang kasama ko.
Oo, parang 12 years na ang Pasko sa buhay ko... At yan nga ay dahil sa iyo.
I thank you, bow! I thank you, �mwah�
Lubos na nagmamahal,
Bestfriend Methodist


