<$BlogRSDUrl$>
Ang Mga Pakulo Ni Pong

Sa mga nag-aakalang patuloy na makukuntento si Pong bilang isang pagong... sige lang... ipagpatuloy niyo ang pag-aakala... Sa mga nag-aakalang si Pong ay may kakayahang maging isang ulupong... sige lang... ipagpatuloy niyo rin ang pag-aakala... Sa mga nakakikilala kay Pong... isa nga ba siyang pagong o isang ulupong? Ang matitiyak niyo lamang ay ito... mahilig siya sa kangkong...

Somebody Stole My Sunshine v.002

Saturday, January 05, 2008
Bitter... Siguro yun ang pinaka-akmang itawag sa akin... At siguro nga bitter ako... At siguro may dahilan ako... Maaaring valid... Maaaring hindi... Pero bitter ako...


Bata pa ako noon... 22 years old... Nagkasakit si Sunshine... Actually, hindi ko nga alam ang sakit niya eh... Sa totoo lang, tinawag nila ako para sabihing kailangan siyang dalhin sa ospital... Patulog na ako noon, may pasok kasi kinabukasan...


Hindi ko alam kung anong sakit niya talaga... Sinabi ng doktor kung anong nangyari... Hindi ko pa rin naintindihan... Alam ko kung anong mga nangyari, pero hindi ko alam kung bakit nagkagayon...


Actually, hindi ko alam kung bakit sa kanya nangyari lahat ng iyon...


Naranasan niyo na bang makaramdam ng pagkukulang? Yung, sa tinagal tagal ng panahon, ngayon lang kayo nakaramdam ng ganun... Na sa tuwing matatapos ang oras sa trabaho ay wala kang daratnan sa pag-uwi pagkat lahat sila'y nasa ospital... Hindi mo mawari kung hanggang kailan ang nararamdamang kakulangan... Hindi mo alam...


Na sa tuwing mapapadalaw ka ay sinasabi ng lahat na hinahanap ka niya... Ni hindi man lang siya makapagsalita ngunit nasasabi nilang hinahanap ako... Paano kaya nila nalaman yun? Na sa tuwing mapapadpad ako doon, madalas lang siyang tulog... Makita lang akong pumasok sa silid ay bigla na lamang pipikit...


Sa bawat salitang binigkas, walang kasiguruhan kung kanyang naunawaan... At sa bawat paninigurong "ako ang bahala" ay isang butil ng luha mula sa mga nakapikit na mata...


Ako ang bahala...


Sa kakapritsong sweldo na nakukuha ko noon at sa tulong ng ilang kamag-anak, naisalba namin siya... Ngunit hindi naman doon natatapos ang lahat... Kailangan pang bumuti ang kanyang kalagayan... Marami pang gamot... Marami pang kailangang gawin upang siya'y makabalik sa mabuting kalagayan...


Sinubukan kong umutang... Binigyan ako ng form para sagutan... Ang sabi pa sa akin, tatawagan ako ng bangko kung sakaling may mga katanungan pa sila... Hindi naman daw lalagpas ng dalawang linggo bago ko makuha ang pera kung sakaling payagan ang utang...


Makaraan ang tatlong araw, tumabi ako sa kanya... Oo at araw-araw naman kami nakakapag-usap... Ngunit ngayon lang talaga ako nagtagal sa kanya at nakipagkulitan... Kahit hindi naman talaga siya nakapagsasalita pa, masaya na akong makita ang kanyang mga matang nangungusap... At ito rin ang unang pagkakataong ako'y kanyang nginitian... Sa tagal nga naman ng kalbaryo namin, makukuha niya pa ring ngumiti... At iyon nga ang aking baon sa pagtulog...


Ng gabi ring iyon, ginising nila ako... Wala na si Sunshine... Hindi ako naniwala sa kanila... Kauuwi lang niya eh... Nag-usap lang kami kanina ha... Masaya pa kami kanina eh...


Bakit ganun? Bakit wala na? Ganun lang yun? Wala na?


Galit ako sa sistema... Galit ako sa proseso... Kung bakit kailangan bayaran ang doktor... Kung bakit kailangan magbayad sa bawat test na pasasailaliman niya... Kung bakit kailangan magbayad para sa gamot... Patagalin ang buhay ng tao? Bakit kailangan magbayad? Bakit kailangang malaki ang halaga? Ano ba talaga ang purpose niyo sa mundo? Pagalingin ang mga may sakit? O magpayaman?


Kung may pera lang ako... Makakabili ako ng lahat ng gamot na kailangan niya... Mababayaran ko yung doktor... Mapapabuti ang kalagayan niya...


May nagsabing hinintay lang niya ako makatapos... Sana hindi na lang ako nakatapos... Eh di sana nandito pa siya...


May nagsabing mahal na mahal niya kami... Bakit niya kami iniwan? Dapat nandito pa siya...


May nagsabing ayaw na rin niya akong mahirapan... Kahit kailan, hindi siya naging pahirap...


May nagsabing iniwan niya naman ako sa isang taong alam niyang nagmamahal sa akin.... Gusto ko nandito ang taong nagturo sa akin ng tunay na kahulugan ng pagmamahal...


May nagsabing napagod na rin kasi siya... Dalawampu't dalawang taon... Ni hindi niya man lang ako binigyan ng pagkakataon makabawi...


Di ba sabi ko ako ang bahala? Bakit di ka naniwala?


Mahigit dalawang taon na ang nakalipas... At tapos na ngang lumuha ang iniwan mong kabiyak at bunsong anak...


Walang sino man ang hindi nag-asam ng maginhawang buhay... Maginhawa na nga ngayon, kahit papaano... Masisisi mo ba ako kung mas hilingin ko pang nandito ka kaysa mabuhay nang maginhawa?


Gusto ko na ring mapagod...


Ikaw ang dahilan kung bakit may ipinagdiriwang pa ngang kaarawan... At kung bakit ang bawat kaarawa'y di na kasing saya ng nakaraan...


Mahigit dalawang taon na ang nakalipas... Bakit umiiyak pa rin ang panganay mong anak?
~
Post a Comment
<< Home

12:05 AM :: Baba (ponggoloids)