Somebody Stole My Sunshine v.003
Monday, February 02, 2009
Ayaw ko ng ganito...Magaling ako eh... Kaya kong lusutan ang anumang paglagyan sa'kin... At the very least, ok pa rin ako ngayon... Di ba? Ako pa, kaya ko naman kahit ano pa yan...
Pero bakit ganito...
Bigla kitang naalala... Not that ayaw ko, pero hindi sa ganitong pagkakataon... I'm trying to be strong... At sa gitna ng kaguluhan sa buhay ko, I'm still trying to be the man that you would've wanted me to be... At ang layo ko pa rin... Sobrang layo...
Ang tanda ko na...
Damang dama ko yan... Sa araw-araw na pamumuhay bilang nakatatandang kapatid at panganay na anak... Pati na rin sa pagiging kabiyak ng isang makulit na bata... At sa walang patid na pag-aruga sa mga kaibigan sa abot ng makakaya...
Nasaan na napunta yung mga panahong ako yung inaalagaan?
Dalawampu't dalawang taon na ang nakaraan... Tapos na ang klase nung araw na yun... Hinihintay kitang sunduin mo ako, gaya nga ng mga nakaraang araw... Pero nung araw na yun, ang tagal mo... At nadatnan mo nga akong humihikbi makalipas ang kalahating oras... Saglit mo lang akong pinaghintay, pero parang ang tagal mo talaga...
Tumawa ka... At hanggang ngayon nga ay hindi ko alam kung nang-aasar ka lang o kung nakakatawa ba talaga na umiiyak ako... Well, di siya nakakatawa... At sinigawan nga kita dahil hindi talaga nakakatawa maghintay... Nang malaman mong natatakot ako, tumigil ka na... "Nandito na si mama..."
Naulit pa naman ang pagkahuli mo sa pagsundo... Pero hindi na naulit ang pag-iyak ni kuya... Isang behlat na lang ang sumasalubong sa'yo... Mabilis ako matuto, 'kala mo... Di mo ko matitiis at obligado kang sunduin ako... Pero sa totoo lang, alam ko kasing dadating ka rin... Di ba?
At sa bawat pagkakataong may takot na unti-unting nabubuo, lagi kang nariyan para masigurong ok lang ako... Kaya ganito ako... Kayang harapin kahit ano pa nga yan... Kasi alam kong nariyan ka lang... Lagi naman eh...
Matagal na pala...
Hindi ba't malakas ako? Kailangan eh... Para sa kanila... Dahil kung hindi ako, sino? Bawal maging mahina... Pero sa'yo, kaya kong tumiklop... Bumigay... Kapag sinabi mong "ok lang yan," ang daling paniwalaan... Walang dapat pagdudahan...
Dati nga madali lang bumawi... Andyan lang sa bahay ang iyong kabiyak at bunsong anak... Kahit wala ka, nariyan sila... Ngayon, mag-isa ako... Alam mo ba yun? Wala sila...
Noon, madali lang sumigla... Halos araw-araw kong kasama ang iyong paboritong dalaga... Kahit wala ka, iniwan mo ako sa kanya... Ngayon nga'y malungkot ako... Naiintindihan mo ba? Malayo siya...
Nagpupumiglas...
Natatakot ako ngayon... May mga bagay na di ko hawak... Wala akong magawa... Kung sana'y nandito ka... Isang yakap mo lang... "Ok lang yan..."
Nasaan ka na...
Hindi na ba ako pwedeng maging bata? Ang tagal mo naman Ma...
Di ko na naagapan...


