Ramblings - Mga Dinanas Sa Undas
Tuesday, November 01, 2005
Kasalukuyang nakikipaggitgitan si Pong sa mala-pagong na pag-usad ng mga pulutong ng bata't matanda, babae't lalaki, tibo't bakla nang may bumulyaw mula sa speaker ng barangay hall sa tapat ng gate ng South Cemetery:"Hoy mga kaibigan... Sa iba na lang kayo mangapa... Wala kayong madudukot sa mga taong yan... Puro kandila at posporo lang!"
"Hoy mga babae! Hawakan ninyong maigi yang mga boypren niyo! Baka magkapalit-palit kayo!"
Tignan mo nga naman, kahit papaano'y nakuha pa akong mapangiti ng kung sino mang palengkerang nagsisisigaw doon sa may barangay. Ang buong akala ko kasi'y tuluyan ko nang isusumpa ang undas dahil na rin sa kawalan ng disiplina ng mga tao sa Pilipinas. Nariyan ang walang patumanggang ihawan ng kung anu-anong sebo at dinaing na kung ano sa bawat eskinita sa loob ng himlayan... Ang mga batang walang tigil sa pagmamasid sa bawat nitso at pagtatanong sa mga nagdarasal kung "kailangan niyo pa ng tulo?" nang di sila maunahan sa mga labi ng sa simula'y itinuring na kandila (at ngayo'y maligalig na tinatawag na 'tulo')... Nariyan ang mga nagbebenta ng mga sisiw na tila inilublob sa lata ng samu't saring pinturang halos buuin ang kulay ng bahaghari (oo, may Red, Orange, Yellow, Green, at Violet... Si Blue at Indigo na lang, buo na sana ang bahag!)... Nariyan din ang mga alipores ng shakey's at pizza hut, "Free delivery po!", akalain mo, maging sa puntod ay handang magsilbi ang mga ito... Ang mga masisipag na manong na handang linisin ang mga puntod at pinturahan ang nitso sa murang halaga... At ang mga mahaderang puro satsat sa samu't saring tsismis mula sa kabit ng kapitbahay ng mayor nila hanggang sa di-umano'y panlalandi ni JB kay Angelica sa labas ng bahay ni kuya... Pambihira...
Hindi rin pala... Salamat sa undas at naranasan kong muling marungisan ang aking magagandang mga paa. Pabugso-bugso ang ulan... Makailang ulit rin natalamsikan ng ginintuang lupang nalublob sa tubig ulan ang akin magagandang mga paa... Kung bakit ba naman kasi ako nagtsinelas... Minsan lang naman... Kay tagal na ring hindi naputikan ang aking mga paa... Salamat sa undas at nakita ko na naman ang magandang babae two nitso's away from our nitso... Cool... At dahil ganoon na lamang ang proximity, hindi ko kinailangang magpakahirap upang makita ang natatangi niyang kagandahan... Di tulad ng ibang mga boylaloo doon, halos mabali na ang leeg kakahabol ng tingin... At may mga ilan rin namang tumatayo sa di kalayuan at tumititig... Tila bang tinatalupan ang naturang dalaga at unti-unting hinahalay sa kanilang paningin... Bakit 'ka niyo? Gaya ng sabi ni Francis M., "Don't ask me how, don't ask me why"... Basta, it takes Juan to know Juan... Copyrighted yan mga folks...
Memorable naman talaga itong undas na ito... Unang pagkakataong hindi ko kasama ang aking inang bibisita sa puntod ng aking lola... Ngayo'y silang dalawa na ang aking binibisita... Ngunit hindi lang naman kasi dapat tuwing undas binibisita ang mga puntod ng mga yumaong minamahal... Tila nakulong na tayo ng tradisyon at nakikigaya na lamang sa madla... Kung gugustuhin nama'y pwedeng bumisita kahit kailan... Iwas gulo at kung anu-anong gimik pa mula sa mga makukulit na Pilipino...
Walang pinipiling panahon ng pagbisita... Hindi kinakailangang tuwing undas lamang... Wala nga lang yung babaeng maganda... Pero di bale na, marami namang maganda sa mundo, hindi siya nag-iisa... Oo, marami kayo... Ayan ha, wag na ma-insecure... MARAMI KAYO!!!!
Ang undas nga naman, samu't saring kalokohan ang naidudulot sa isang malokong tulad ko...


