<$BlogRSDUrl$>
Ang Mga Pakulo Ni Pong

Sa mga nag-aakalang patuloy na makukuntento si Pong bilang isang pagong... sige lang... ipagpatuloy niyo ang pag-aakala... Sa mga nag-aakalang si Pong ay may kakayahang maging isang ulupong... sige lang... ipagpatuloy niyo rin ang pag-aakala... Sa mga nakakikilala kay Pong... isa nga ba siyang pagong o isang ulupong? Ang matitiyak niyo lamang ay ito... mahilig siya sa kangkong...

Thought Snacks - Pagkakahon

Saturday, October 15, 2005
Minsan, dumarating sa buhay ng tao, higit lalo sa isang lalaki, na siya'y maiipit sa isang malubhang karatayan...


Kung sa panliligaw ay nagsisimula ang pagdududa, siya rin namang paniniguro kapag napabilang na sa isang pagsasama... Na hindi magkamayaw sa paghanap sa tamang maisasagot sa katanungang "Bakit...?" o di kaya'y "Paano mo nasabing...?" At kapag napiga na ang utak sa pagpinta ng isang makabuluhang sagot, mariin ka namang sasalubungin ng mapanuring "Bakit nga... yun na yun?" Sabi ko nga... Wala na akong sinabi... Ngunit sa pamimilit ay malalaman mo ang ibayong katangahang matagal mo na palang kinalalagyan... Na sa mga gayong tanong, sa kanilang pagka-payak, ni hindi mo man lamang makuhang makasagot ng tama... Kung bakit pa kasi pilit sinagot ang tanong... Kung bakit pa kasi tinanong ang tanong... Kung sana'y hinayaan na lamang unawain ng nakadarama ang pilit ipinadarama... Kung sana'y hinayaan na lamang umiral nang hindi pinahihirapan ang bawat isa sa pagtukoy ng kadahilanan...


Bakit ba natin pilit ikinukulong ang lahat ng mga bagay sa mundo ng mga salita... Na kung sa bawat pag-iral ay pilit hinahanapan ng dahilan gamit ang mga katagang ni hindi man lamang kayang maihulma ang isang kabuuan... At gaya ng aking natutuhan mula sa isang pilosopo sa kolehiyo... "Kapag nasabi na ang lahat ng nasabi, hindi pa rin nasasabi ang pinakamahalaga..." Sapagkat yaon ang iyong malalaman... Na ang maari mong mabuo gamit ang kakaunting kakayahan ng mga salita ay di aabot sa kalingkingan ng katotohanang pilit mong ikinakahon... Dahil sa mundo ng mga salita, walang dalawang taong nasa iisang bayan... Sa mundo ng mga salita, ang bawat isa'y may sariling bansa...


Alam mo ba, na sa tuwing kita'y titignan sa iyong mga mata, nais ko lamang maibulalas ang mga salitang "mahal kita"... Pero para saan pa... Hindi ka naman maniniwala... Na hanggang di ko masabi at maipaliwanag kung bakit nagkagayon, mananatiling huwad sa iyo ang anumang pakahulugan ng aking sasabihin... Kaya ko piniling manahimik... Pilit nilalabanan ang anumang pamimilit para sabihin ang tunay na nararamdaman... Dahil alam kong hindi mo mauunawaan... Na kung sayo'y nananatiling malabo... Ang sa akin pala'y nagmamahal ng ayon sa aking pagkakatanto...
~
Post a Comment
<< Home

11:14 PM :: Baba (ponggoloids)